:Althea Loro
: Ashley Ballesteros

“Annyeonghaseyo,” marahil ang isa sa mga naging bukambibig niya sa mga nagdaang buwan. Talagang nakamamanghang isipin na ang kaniyang kakayahan bilang isang guro ay hindi lamang naranasan ng mga mag-aaral dito sa Pilipinas. Dinala niya ang kultura at edukasyon ng lupang sinilangan sa ibang bansa—sa katimugan ng Korea o mas kilala bilang South Korea. Matunog ang kaniyang ngalan dahil sa kaniyang posturang makaagaw pansin, mga matang laging nagmamasid, at tinig na naabot ang kaloob-looban ng sinumang kaniyang makasalamuha. Kilala n’yo ba siya?
Isa siya sa apat na mapapalad at nagkaroon ng pagkakataong lumipad papunta sa banyagang lupa. Ang oportunidad na ito ay hindi madaling makuha subalit dahil sa sipag at tiyaga, sa lahat ng mga tagapagturo sa Pilipinas, siya ay isa sa mga napiling kinatawan ng ating bayan. Sa ilalim ng Korea-Philippines Teacher Exchange Program 2025 o KPTEP, siya ay nagturo sa Suncheon Hyosan High School mula Abril 15 hanggang Hulyo 12. Maliban pa sa pagiging panday-kaalaman, nagningning din siya bilang simbolo ng kultura sa ginanap na World Day for Cultural Diversity for Dialogue and Development—isang selebrasyong ipinagdiriwang ang iba’t ibang kultura sa mundo. Taas-noo siyang rumampa sa ginanap na fashion show habang suot ang Barong Tagalog, ang pambansang kasuotan ng kalalakihan sa bansa.
Iginagalang, tinitingila, at hinahangaan. Tunay siyang inspirasyon hindi lamang ng kabataan kundi pati na rin ng mga guro. Hindi lamang aral na magagamit sa paaralan ang kaniyang ibinabahagi; hindi rin siya nagdadalawang-isip na magbigay ng mga salitang tatatak sa isip at puso ng bawat isa. Saglit man ang kaniyang naging paglalakbay, tiyak kong maraming naabot ang kaniyang tinig na makapangyarihan. Paulit-ulit niyang pinatunayan na ang kaniyang kakayahan ay hindi lamang limitado sa Pilipinas. Sa alinmang larangan siya tumindig—bilang guro, mamamahayag, o tagapagsalita, hindi magmamaliw ang sinag ng kaniyang diwa na nagbibigay-ilaw at pag-asa sa nakararami. Kilala n’yo na ba siya?
Kung gayon, sabay-sabay natin siyang batiin ng…
Maligayang pagbabalik, G. Mark Reniel L. Balolo!