Isinulat ni: Dahlia Aganan
Dibuho ni: Leurlee Sicat
Taong 1903, Ika-1 ng Mayo ang unang selebrasyon ng ‘Araw ng mga Manggagawa’ matapos magsagawa ng kilos-protesta ang unyon ng Union Obrera Democratica de Filipina (U.O.D.F.) kasama ang daang libong manggagawa mula Tondo patungong Malacañang upang iboses ang kanilang mga hinaing, mula sa artikulo ng National Library of the Philippines. Ang taunang pagdiriwang ng ‘Araw ng mga Manggagawa’ ay pagpapahalaga sa kanilang papel sa ekonomiya ng lipunan. Gayunpaman, hindi lingid sa kaalaman ng nakararami ang patuloy na paglaban ng bawat manggagawang Pilipino para sa pantay, makatao, at makatarungang sahod at kondisyong pangtrabaho.
Kasabay ng paglipas ng panahon ay ang maraming pagbabago dulot ng modernisasyon na lubusang nakaapekto sa lagay sa buhay ng bawat manggagawa at sa kanilang mga pamilya. Kung ihahambing ang kalagayan noon sa kasalukuyan, tila walang gaanong nagbago sa pinaglalaban nilang makamtan. Para sa dagdag-pasahod at patas na pagtingin at benepisyo sa mga manggagawa, hindi sila natitinag sa kabila ng pagod at hirap ulang marinig ang kanilang mga tinig.
Noon pa man, dagdag-pasahod na ang isa sa mga nangungunang isyu sa lakas paggawa. Dulot ng kahirapan at desperadong paghahanap ng pagkakakitaan, karamihan ay nagtitiis sa liit ng pasahod. Sa kasalukuyan, P645 ang itinalagang minimum wage kada araw ng mga manggagawa, ngunit hindi pa rin sasapat sa dami ng mga nagtataasang bilihin at bayarin. Bunga ng magkakasunod na petisyon sa pagtataas ng pasahe sa LRT-1 at dyip, minamadali ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maipasa ang panukalang pagtataas ng P200 sa minimum wage ng mga manggagawa, ayon sa ulat ng ABS-CBN News.
Bagaman nagpapatuloy pa rin ang ilan sa mga isyu sa lakas-paggawa, hindi maikakailang ang paunti-unting pagbabago ay ang simula ng progresibong hakbang mula sa paurong at palubog na kalagayan noon. Ang pakikinig sa boses ng taong bayan na binubuo ng mga manggagawa sa iba’t ibang sektor ng lipunan, at ang pagtaguyod sa kanilang karapatan ay ang simula ng pagbuwag sa tanikala ng kahirapan.
Sa paggunita ngayon ng Araw ng mga Mangggawa, hindi matutumbasan ng isang araw na pahinga, pasasalamat, at pagpupugay sa kanilang sakripisyo at pagod sa araw-araw bilang mahahalagang pundasyon ng ekonomiya ng bansa. Hindi lamang sa mga salitang kayang bigkasin ng mga labi maipapakita ang pakikiisa sa kanila, ngunit pati na rin sa progresibong pagpapalakad at pakikiisa sa panawagang matagal na nilang inaasam—ang kaligtasan at kaayusan ng kondisyon sa pagtratrabaho. Ang pagsulong ng mga batas na para sa mga manggagawa ay pagpapaunlad sa kalidad ng buhay ng bawat Pilipino.
Mga sanggunian:
https://web.nlp.gov.ph/labor-day/
https://www.abs-cbn.com/.../wage-hike-up-to-regional-wage...
