| Jane Ashley Tuazon
| John Roy Benzon
| Dexter Ogale & Jayzhelle Cacanindin
Isinagawa ang 23rd State of the City’s Children Address na may temang “OSAEC-CSAEM WAKASAN: Kaligtasan at Karapatan ng Bata, Ipaglaban!” na dinaluhan ng mga kawani ng pamahalaan, kawani ng paaralan, at mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan ng Pasay, sa Cuneta Astrodome nitong ika-17 ng Nobyembre.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng pagtatanghal ng Pasay City West Performing Arts, na binubuo ng dance troupe, chorale, dance sports, at angklung ensemble. Sinundan ito ng pagtatanghal ng EMI Performing Arts Ballet Group at EMI Performing Arts Rondalla.
Pormal na sinimulan ang programa sa pamamagitan ng Entrance of Colors ng Boy Scouts of the Philippines Cadets mula sa Pasay City West High School, na sinundan ng pag-awit ng Pambansang Awit at pagtatanghal ng Rondalla kasabay ng panalangin.
Ipinahayag ni Gng. Mary Cris L. Balictar, RSW, Department Head ng Pasay City Social Welfare and Development Department (PSWDD), ang kaniyang pambungad na mensaheng, “Sa pagdiriwang na ito para sa mga bata, inaanyayahan ko kayong makiisa sa isang makabuluhang adhikain—ang pagtataguyod ng isang ligtas, mapagkalinga, at makatarungang lipunan para sa mga kabataan.
Ang temang ‘OSAEC–CSAEM WAKASAN: Kaligtasan at Karapatan ng Bata, Ipaglaban!’ ay isang matinding panawagan para sa ating agarang pagkilos laban sa online sexual abuse and exploitation of children, at sa pagkalat ng child sexual abuse and exploitation materials. Ito ay isang panawagan sa lahat ng sektor ng lipunan na magsanib-puwersa upang wakasan ang anumang uri ng karahasan laban sa mga kabataan.”
Sinundan naman ito ng mensahe ni Cong. Antonino G. Calixto. Aniya, “Magsama-sama tayo, maging matatag, at ipahayag na sa Lungsod ng Pasay, ang kaligtasan at karapatan ng bata ay ating ipaglaban.”
Naging tampok din ang panayam sa Alkalde, na nagbahagi ng mga kasalukuyang programa ng pamahalaang lungsod para sa mga bata, kabilang ang academics, sports development, dental services, at mga inisyatiba ng Pasay City Youth.
Inilatag rin sa pagtitipon ang mga plano at programang isusulong sa ikatlong termino, gaya ng pagsasagawa ng educational field trips, pagpapalawak ng enhanced robotics program, pagtatayo ng scientific calculator mobile laboratories, at pagpapalakas ng arts and culture programs.
Kabilang din dito ang pagpapatuloy ng hip-hop dance classes at iba’t ibang music lessons tulad ng guitar, drums, at voice training upang higit pang mapaunlad ang kakayahan ng mga kabataan.
Nagtapos ang programa sa pag-awit ng Solidarity Song, na nagsilbing sagisag ng pagkakaisa at kolektibong suporta para sa kapakanan at karapatan ng mga bata sa lungsod.
![]() |
![]() |
![]() |
![]() |
![]() |
![]() |









